Can I be Him? -
CHAPTER 8.1
HANGGANG ngayon, isang malaking palaisipan para kay Lyle kung paanong numero ni Gian ang nakasulat sa papel na madalas na ibinibigay sa kanya. Nagsuspetya siya, oo. Sino ba naman ang hindi? Iniisip niyang baka tipo nga siya ni Gian at malapit na siyang maniwala sa sinasabi ni Keegan na baka nga may gusto sa kanya ang binata, ngunit kapag titignan niya si Gian, ang hirap maniwala na may gusto nga ito sa kanya.
"Alam mo na ba kung sinong nagbibigay ng numero mo sa 'kin?" Dahil sa totoo lang, ang galing noong strategy. Kung sinumang nagsulat noon at nagpapabigay sa kanya, alam na ang pipiliing i-text ni Lyle e iyong numero pala ni Gian. Napalunok si Gian nang magtanong siya. In-adjust din nito ang kwelyo ng suot na polo shirt bagamat hindi naman ito nasasakal. Kumunot ang noo ni Lyle habang pinanonood ang binata ngunit hindi niya rin maiwasan ang maaliw. Sobra ang kaba nito at bakas iyon sa kung paanong takasan ng kulay ang mukha ng binata.
"Kilala ko na pero parang ayaw kong sabihin sa 'yo?" Ani Gian na siyang nakapagpagulo ng isipan niya.
"Bakit naman ayaw mong sabihin? Kakilala mo ba?"
Marahang tumango ang binata. "Oo, oo! Sinet up niya tayong dalawa dahil iniisip din nilang may gusto ako sa 'yo. Sa'n ba nila nakukuha 'yong mga gano'ng ideya?"
Siguro sa pagiging mahiyain mo sobra? Ganyan sana ang gustong sabihin ni Lyle ngunit minabuti na lamang niya na kagatin ang dila. Hindi naman lingid sa kaalaman niyang alam ni Gian kung gaano ito kamahiyain. Sa bibig pa nito mismo nanggagaling na posibleng mayroon siyang anxiety kaya ayaw niyang i-judge at pangunahan.
"Um, pero pasensya ka na talaga sa abala, Lyle. 'Di ko rin inasahang idadamay ka nila sa panti-trip nila."
Punung-puno ng pangongonsensya ang boses ni Gian. Ito na ang na-guilty para sa kung sinumang nag-set up sa kanilang dalawa. Hindi niya tuloy alam kung maaawa siya rito samantalang wala namang masamang nangyari nang malaman nilang ang isa't isa na pala ang tini-text nila.
"Ano ka ba, ayos lang, pero 'di ko ba pwedeng malaman kung sino? Nakakatampo na ikaw lang ang nakakakilala sa nan-trip sa 'tin e," biro niya.
Biro lang naman iyong sinabi niya pero bigla na lamang nilukob ng lungkot ang mukha ni Gian nang ganoon ang sabihin niya. Naipilig tuloy ni Lyle ang ulo lalo na nang subukan niyang hanapin ang mga mata ng binata ngunit pilit itong umiiwas sa kanya. May parteng ang cute dahil pumikit pa si Gian at umatras mula sa kinauupuan habang nakanguso, maiwasan lang talaga ang paningin niya! "Hoy, sino?"
"Ah!" Biglang sigaw ni Gian na ikinagulat niya. Napatayo pa ito ng kaunti sa kinauupuan nang bigla na lamang sumigaw, nakapukaw pa ng maraming atensyon, "Lyle, ayaw kong makita kang malungkot kaya itatago ko na lang kung sino 'yong nang-trip sa 'tin sa barkada ko."
"Huh? E bakit ba kasi ako malulungkot?"
"Basta, basta."
Naiiling ito bago sa wakas e nagmulat ng mga mata para igala ang paningin sa kapaligiran. Noong mapagtanto nitong nasa café sila, napaatras pa ang binata at halos isuksok nito ang sarili sa isang sulok dala ng pagkapahiya. Mukhang napagtantong umagaw na pala sila ng maraming atensyon. Doon tuloy natawa si Lyle.
Sige na, hindi na niya pipilitin si Gian dahil malalaman din naman siguro niya kung sino ang tao sa likod ng mga nangyari isang araw, e.
NOONG malaman ni Keegan ang nangyari kay Lyle at kay Gian-iyong mga parteng may tinext siya dala ng sobrang pagkabagot nang mag-absent si Gian-sobrang tawang-tawa ang kaibigan sa kanya dahil ang ganda raw ng plot twist. Sino nga ba naman kasi ang mag-aakalang ang may-ari ng numero na itinext niya e iyon din palang binata na hinahanap niya noong araw na iyon? Grabeng coincidence raw iyon, ang galing daw ng nag-set up sa kanila.
Well, for a fact, ganyan din ang naisip ni Lyle. Ang galing noong nag-set up sa kanya at kay Gian. Pinag-isipan nito kung anong gagawin at kinorner siyang i-text iyong pangalawang numero.
"Sino kaya 'yong mastermind sa likod niyan?" Tanong ni Keegan bago naghalumbana, "ang wais talaga, par. 'Di ko inakalang masi-set up ka ng ganyan! Pero ayaw mo ba? Madalas mo nang kausap 'yang bago mong kaibigan." "Wala naman akong sinabing ayaw ko. Nakukuryoso lang din ako sa kung sino ba talaga itong nag-set up sa 'min."
Umismid si Keegan. "Paniguradong isa lang sa mga barkada ng isang 'yon. Kamo nga, ayaw niyang sabihin sa 'yo, 'di ba? Pinoprotektahan no'n 'yong identity ng kabarkada niya."
Nang marinig ang katwiran ni Keegan, nagbaba si Lyle ng tingin sa kapeng nakalapag sa lamesa niya. Nasa opisina sila noon ni Lyle at silang dalawa lamang ang tao dahil makakaistorbo lamang si Keegan kung sa labas sila mag-uusap na dalawa. Dito na sila nag-lunch pareho dahil tinatamad silang lumabas. Nagpa-order na lang sila ng grab nang sa ganoon e masulit nila ang oras.
Kung mga kabarkada ni Gian ang pag-iisipan, kilala naman niya na ang tatlo. Si Ridge, Zamiel, at Zachariel. Posible na isa lamang sa kanila ang magsi-set up sa kanila at ang laki noong posibilidad na si Zachariel dahil naaalala niya kung paano siya nito pinag-trip-an noong araw na nag-absent si Gian sa trabaho. Hindi ba nga at halos harangan siya nito bago nito ianunsyo na wala si Gian at nagkasakit? Posibleng dito galing iyong mga numero! Ang pilyo rin ng isang iyon, e. Ayaw niyang isipin na si Ridge dahil masyado iyong abala sa trabaho at hindi ganoon ang pagkakakilala niya sa binata. Imposible rin namang si Zamiel dahil kahit kailan, hindi iyon nag-abalang kilalanin siya. Pakiramdam nga niya e dumi lang siya sa mga mata nito kaya lahat ng mga ideya at pruweba, si Zachariel ang itinuturo.
"Parang kilala ko na kung sino pero 'di ako sigurado," bulong niya pero sapat lamang para marinig din ni Keegan.
Umangat ang kilay ng mga kaibigan bago ito humalakhak ng malakas. "Kilala mo na nga kaagad? Edi maganda! Ano nang balak mo niyan?"
"Wala. 'Di naman kasi nakakagalit iyong ginawa nila. Isa pa, 'di ako nahirapang kunin iyong numero ni Gian dahil sa set up na ginawa nila. No harm done. 'Di lang ako kumportable na isini-set up kami ni Gian gayong magkaibigan lang naman kami."
Keegan snorted upon hearing his opinion. "Magkaibigan siguro para sa 'yo pero medyo wala talaga akong tiwala roon sa parteng kaibigan lang ang tingin sa 'yo ng isang iyon."
Lyle instantly pursed his lips when he heard Keegan's argument. Ilang beses siyang napakurap-kurap ngunit kalaunan e bumuntong hininga na lamang at tinapik ang braso ng kaibigan para pigilan ito sa pag-iisip pa ng kung anu-ano. Gian does not deserve to be doubted. He is innocent, he is just shy.
"Kee, give Gian a break. Siya rin e na-stress sa mga kaibigan niya. Pinilit pa nga no'ng isa na alamin kung sino sa kanila iyong nag-set up sa 'min."
"Inalam nga niya pero 'di naman niya masabi sa 'yo kung sino!" Humalakhak si Keegan. "Pero sige na nga, mabait naman iyong tao, sabi mo. Ayaw ka ngang malungkot kaya 'di sinasabi sa 'yo kung sino iyong nag-set up e."
Matapos nilang mag-usap, pareho silang natahimik. Hinayaan na rin nila ang katahimikang mamutawi sa atmospera dahil wala naman silang mapag-uusapan ni Keegan ngayon. Isa pa, kumportableng katahimikan naman ang naririto sa pagitan nilang dalawa. Kaya nga patuloy pa rin silang kumakain at hinahayaang ang pagkalansing na lamang ng mga kubyertos ang marinig nila.
Well, Lyle also thought that the silence would last for quite some time. That was what he initially thought but Keegan seemed to be so lost in his own utopia that there came a time when the male just paused and said, "ah!" which made Lyle ultimately confused. After all, this is how this man looks like whenever he remembers something.
"Punyeta, naisip ko lang 'to Lyle!" Anito, tila ba natataranta pa si Keegan na siyang nakapagpagulo lang lalo ng utak niya.
Kunot noo siyang tumango at minuwestrahan ang kaibigan na magsalita. "Ano 'yan? Spill mo na lang."
"E, teorya lang naman 'to par," anito na para bang disclaimer pa ang dating dahil hindi pa ito kampante sa sasabihin, "naisip ko lang. Pa'no kung itinatago sa 'yo ni Gian kung sino ang nag-set up sa inyong dalawa e dahil si Ridge pala ang tao sa likod ng kalokohang 'yan?"
"Huh." Napaismid si Lyle bago inabot ang tissue mula sa gilid ng lamesa para punasan ang mga labi. "Imposibleng si Ridge, 'di gano'n pagkakakilala ko sa kanya."
"E gano'n naman ang pagkakakilala ko sa isang 'yon. Saka, kay Gian kamo mismo nanggaling na ayaw ka niyang malungkot kung malalaman mo! 'Di pa ba clue 'yan?"
Naningkit ang mga mata ni Lyle nang pakinggan ang lohika ni Keegan. Naitikom niya rin ang bibig at natigilan siya sandali bago tuluyang hinayaan ang sarili na malunod sa mga iniisip. Totoo kasi iyong sinabi ni Keegan na ang sabi sa kanya ni Gian-ipinagdidiinan pa nga na ayaw nitong sabihin kung sino ang tao sa likod ng pagsi-set up sa kanila dahil daw baka malungkot siya. Ngayong iniisip niya iyan, saka pa lamang nagsi-sink in ang lahat! Paano kung si Ridge nga?
Bigla na lamang nilukob ng takot ang dibdib niya. Ayaw tanggapin ng sistema niya ang ideya pero plausible ang argumento ni Keegan. Imposible nga naman kasing malungkot siya kung si Zachariel ang nag-set up sa kanila, hindi ba? Kilala pa niya ang kapitan ng basketball team pero hindi sila malapit sa isa't isa.
"Ang sama ng ugali mo Keegan," kalauna'y nasabi na lang ni Lyle bago sinapo ang noo at hinilot ang sentido, "posible. Itatanong ko kay Gian sa susunod."
"Naisip ko lang naman! Pasensya na brad pero si Ridge yata talaga, e."
Kung si Ridge nga, naiintindihan ni Lyle kung bakit ayaw sabihin sa kanya ni Gian ito. Talaga ngang malulungkot siya dahil ngayon pa lamang, nadidismaya na siya sa mga naging aksyon ni Ridge. Sa lahat ba naman ng tao, iyon pang lalaking gusto niya?
If you replace any errors (non-standard content, ads redirect, broken links, etc..), Please let us know so we can fix it as soon as possible.
Report